Hired on the spot ang kabuuang 3,364 na aplikante kasunod ng isinagawang job fair ng Department of Labor and Employment kahapon bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Mula sa naturang bilang , aabot sa 274 senior high school graduates ang nakakuha ng trabaho kabilang rin ang isang PWD at sampung benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program.
Kabilang sa kanilang mga inapplyan na trabaho ay cashier, service crew, production operator, ESL teacher, bagger, sales associate, clerk, production crew at iba pa.
Ang hakbang na ito ng ahensya ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng bawat mamamayang Pilipino.
Naniniwala ang Pangulo na ito ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagbuo ng mas maraming trabaho at pag-oorganisa ng mas maraming job fair sa bansa.
Isinagawa ang Job Fair kahapon sa 50 job fair sites sa buong bansa na dinaluhan ng libo-libong aplikante.