Nakikipagtalakayan na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan hinggil sa usapin sa pagpapatuloy ng work from home arrangement sa bansa.
Sa isang pahayag ay sinabi ng bagong Labor Secretary na si Bienvenido Laguesma na bukas siya sa rekomendasyong palawigin pa ang work from home arrangement sa bansa ngunit sa mga piling sektor lamang.
Ito ang kaniyang tugon sa mga kahilingan sa pag-amyenda sa Republic Act 11165 o ang Telecommuting Act sa pamamagitan ng pagpapalawak sa sakop nito at pagbibigay na rin ng 1,000 na non-taxable allowance sa mga manggagawa.
Kaugnay nito ay nagkaroon na aniya sila ng inisyal na diskusyon kasama ang sina Trade Secretary Alfredo Pascual at Finance Secretary Benjamin Diokno upang alamin ang kani-kanilang opinyon tungkol sa nasabing usapin.
Paliwanag niya, malaki na rin daw kasi ang investment ng mga employers para tiyaking ligtas para sa kanilang mga operasyon lalo na ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.
Dapat lamang aniya na maging malinaw ang mga deliverables ay kilalanin kung sinu-sinong mga manggagawa ang dapat na manatili sa work from home set up at sinu-sino ang mga kinakailangang pumasok mismo sa kani-kanilang mga working places.
Samantala, idinagdag pa ng kalihim na mas malaki lamang din daw kasi ang gastos ng ating mga kababayan kapag nasa bahay dahil kasama nito ang kanilang pamilya.
Sinabi rin niya na kasalukuyan na rin nilang pinag-aaralan ang implementing rules and regulations sa telecommuting act.










