Patuloy ang pagbabantay at pagtugon ng Department of Labor and Employment-7 sa kalagayan ng mahigit 500 manggagawa na naapektuhan ng pagsasara ng isang garment manufacturing company sa lungsod ng Lapu-lapu.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Roberto Cardo, Regional Labor Information Officer III ng DOLE-7, mahigpit na mino-monitor ng ahensya ang proseso ng pagbibigay ng separation pay upang matiyak na natatanggap ng mga empleyado ang kanilang nararapat na benepisyo.
Sa pinakahuling tala, 563 sa kabuuang 580 manggagawa ang nakatanggap na ng separation pay na umaabot sa ₱17.1 million pesos.
Sinabi pa ni Cabardo na mayroon namang natitirang 17 administrative staff na hinihintay pang makumpleto ang kanilang dokumento para sa closure procedures.
“As of now, 563 of 580 employees of Pan-Phil Sportswear were able to receive their separation pay (Php17,183,021.27) while the remaining 17 administrative staff have yet to comply with the documentary requirements set for closure-related procedures,” saad ni Cabardo.
Aniya, tumulong din ang kagawaran sa pagproseso ng Certificate of Unemployment ng lahat ng apektadong empleyado upang makapag-avail sila ng benepisyo mula sa Social Security System (SSS).
Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa Public Employment Service Office-Lapu-Lapu City upang mabigyan ng oportunidad ang mga displaced workers sa pamamagitan ng job fairs at job matching.
Sa kasalukuyan, 203 sa kanila ang nakapasok na sa bagong trabaho.
Bukod dito, isinasaalang-alang din umano ng ahensya ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) bilang pansamantalang suporta sa mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay.
Dagdag pa nito, bagamat may iba pang kumpanyang nagsumite ng notice of closure mula Enero hanggang kalagitnaan ng Marso nitong taon, ang kasong ito ang may pinakamalaking bilang ng apektadong manggagawa sa rehiyon sa kasalukuyan.
Patuloy namang umaasa ang ahensya na wala nang susunod pang pagsasara ng mga kumpanya na magdudulot ng malawakang pagkawala ng trabaho sa Cebu.
















