ILOILO CITY – Kinondena ng Guimaras provincial government ang isang doktor na tumanggi na suriin ang mga persons under investigation (PUI) at persons under monitoring (PUM) dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Guimaras Governor Samuel Gumarin, kinumpirma nito na may isang doktor sa lalawigan na nagtago umano dahil takot itong maka-close contact sa mga PUM’s at PUI’s.
Ayon kay Gumarin, hindi ugali ng isang health professional ang ipinakita ng doktor.
Sinabi pa ni Gumarin, may sinumpaang tungkulin ang mga doktor at hindi dapat ito tinatalikuran lalo na ngayong nahaharap ang mundo sa epidemya ng COVID-19.
Sa ngayon, pinaiimbestigahan na ng Guimaras provincial government ang hindi pa pinangalanang doktor.
Hindi pa rin naman nagbibigay ng pahayag ang naturang doktor.
Una nang iniiaangal ng grupo ng mga doktor ang kakulangan ng personal protective equipment at N95 face mask sa maraming ospital na siyang naglalagay sa panganib sa mga frontliners.
Sinasabing mahigit na sa 10 mga doktor ang namatay sa COVID-19 kaya naman todo ang pagbibigay saludo sa kanila ng Pangulong Duterte at DOH.
Napag-alaman naman nasa 758 ang PUM’S at 7 ang PUI’s sa buong lalawigan.