Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang panawagan ng Department of Justice (DOJ) sa mga witnesses na lumutang na at tumestigo sa pagkamatay ng 56 katao sa 52 cases ng illegal drugs operations na isinagawa ng mga pulis.
Sa isang statement, sinabi ni CHR spokesperson Jaqueline Ann de Guia na tutulong sila sa case buildup na kasalukuyang ginagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng independent probe na isinasagawa nito basta mabigyan lamang sila ng access din sa ilang mahahalagang files hinggil sa mga kaso.
Ngayong araw, Oktubre 20, inilabas ng DOJ ang 20-pahinang information table sa 52 “deadly” anti-illegal drugs operations na isinagawa ng Philippine National Police (PNP).
Nakasaad dito ang pangalan at ang nangyari sa pagkamatay ng 56 katao subalit hindi naman natukoy dito ang pangalan ng mga pulis na pinaparatangang nasa likod ng mga krimen na ito.
Ayon kay De Guia, ang paglalabas ng mga impormasyon na ito ay malaking tulong para sa pamilya ng mga biktima at para makamit din nila ang hustiya na kanilang inaasam.
Kasabay nito ay iginiit ni De Guia na isa sa mga unang hakbang para mapanagot ang mga nasa likod ng krimen ay kapag magkaroon ng tunay na imbestigasyon kaya naman hinihimok nila ang mga witnesses na lumutang na at magsalita sa sinasabing mga anti-illegal drugs operations.