Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na naka-work from home (WFH) na rin siya sa ngayon.

Ayon kay Guevarra, sa ngayon ay hindi pa siya nakakapagsailalim sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test dahil wala pang sapat na supply ng test kits sa bansa.

Aniya, wala naman siyang nararamdamang sintomas ng COVID-19 pero nais niyang masuri ang kanyang kalusugan bilang bahagi ng pag-iingat.

Ito ay matapos na magpositibo sa COVID-19 ang ilang opisyal ng gobyerno na nakasama niya sa Inter-Agency Task Force (IATF).

March 24 aniya ang huli niyang pagdalo sa pagpupulong ng task force sa Malacañang.

Sa ngayon aniya, ay araw-araw silang nagsasagawa ng video conference kasama ang iba pang kasapi ng task force na naka-work from home rin.