Tiwala si Justice Sec. Menardo Guevarra na pakikinggan ng Supreme Court (SC) ang kanilang panig matapos ipag-utos ng kataas-taasang hukuman na magkomento ang pamahalaan sa petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng implementing rules and regulations (IRR) ng good conduct time allowance (GCTA) Law na epektibo na ngayong araw.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, nakahanda umano ang Department of Justice (DoJ) at Department of Interior and Local Government (DILG) na sumagot sa direktiba ng kataas-taasang hukuman.

Nagpasalamat din ito sa SC na binigyan sila ng pagkakataon para makapagkomento sa naturang petisyon.

“The DOJ, as well as the DILG, is happy to be given the opportunity to comment on the petition. we are confident that the supreme court will sustain our reading of the GCTA law, as reflected in the revised IRR that takes effect today,” wika ni Guevarra.

Una rito, dumulog ang walong heinous crime convicts sa Korte Suprema para kuwestyunin IRR ng Republic Act 10592 o expanded good conduct time allowance (GCTA) Law.

Pinamgunahan ni Russel Fuensalida na nahatulan sa kasong rape noong taong 1993 ng Makati City Regional Trial Court (RTC) ang paghahain ng petisyon.

Sa kanilang petisyon hiniling ng mga ito na pigilan ng kataas-taasang hukuman ang Bureau of Corrections (BuCor) na ipatupad nang retroactive ang exclusion na nakasaad sa Section 1 ng RA 10592, gayundin sa ilang probisyon ng Revised IRR.

Ang exclusion ay tumutukoy sa mga disqualified na Persons Deprived of Liberty (PDL) na hindi dapat makinabang sa pinalawig na GCTA.

Kabilang na dito ang mga recidivist, habitual deliquent, mga tumakas mula sa bilangguan at mga nahatulan o nakasuhan ng heinous crime.

Naniniwala ang mga petitioner inmates na hindi naman kasama sa orihinal na text ng batas ang mga tinukoy na exclusion sa revised IRR.

Nais ng mga petitioner na ipawalang bisa ng SC ang transitory provisions ng revised IRR na tumutukoy sa mga PDLs na nakulong bago at matapos maging ganap na batas ang RA 10592.

Naniniwala kasi ang mga petitioners na paglabag ito sa “equal protection clause” at probisyon ng Revised Penal Code para sa retroactive application ng batas pabor sa akusado.

Inihirit din ng mga petitioner sa BuCor at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magsagawa ng recomputation sa kanilang credits sa ilalm ng GCTA para sa kanilang agarang paglaya.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina DoJ Secretary Menardo Guevarra, Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano, Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag at BJMP Chief Allan Iral.

Ang mga complainant naman ay sina Benjamin Galvez, Cerilo Obnimaga, Urbano Mison, Roland Gamba, Pablo Panaga, Rommel Deang, Toshing Yiu at Fuensalida.