-- Advertisements --

Todo paliwanag ang Department of Justice (DoJ) sa hindi pagkakasama ng pangalan ni Department of Health (DoH) Sec. Francisco Duque III sa mga inirekomda kay Pangulong Rodrigo Duterte na sampahan ng reklamo kaugnay ng katiwalian sa Philhealth.

Ayon kay Justice Usec. at Spokesperson Markk Perete, kung pagbabasehan daw ang bigat ng isyu ay hindi ganon kabigat ang pananagutan ni Duque.

Base raw sa degree ng negligence, hindi umabot sa gross negligence ang pagkakasangkot ni Duque sa naturang kontrobersiya.

Dagdag ni Perete, dahil sa hindi klarong pagkakasangkot ni Duque at iba pang mga opisyal ng DoH sa isyu ay hindi sila puwedeng basta na lamang sampahan ng reklamong kriminal.

Una rito, sinabi ni Perete na matapos aprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte na sampahan ng reklamo ang mga sangkot sa anomalya na mga opisyal ng Philhealth, inihahanda na ng DoJ ang mga reklamong isasampa laban sa mga ito.

Sinabi ni Perete na tinatapos na lamang nila ang pag-collate sa mga supporting documents para sa pagsasampa ng reklamo.

Pero sinabi ni Perete na posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga sasampahan ng reklamo dahil hindi pa naman tapos ang kanilang imbestigasyon.

Ang mga opisyal ay posibleng sampahan ng reklamo sa Ombudsman para sa administrative at criminal complaints, sa prosecutors office naman para sa iba pang kasong kriminal at sa Philhealth para naman sa administrative case.

Ang pagsasampa ng reklamo sa mga tiwaling opisyal ng Philhealth ay dipende sa bigat ng krimeng nagawa ng mga respondent.