-- Advertisements --

Inamin ni Justice Sec. Menardo Guevarra na natanggap na nila ang request ng Senado kaugnay ng mga whistleblowers na mailagay sa witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DoJ).

Pero hindi na nagbigay si Guevarra ng karagdagang impormasyon kaugnay rito.

Sinabi ni Guevarra na confidential ang naturang issue kaya hindi pa sila puwedeng magbigay ng detalye at magbanggit ng mga pangalan.

Una rito, sinabi ni DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete na maliban sa mga senior officials, mayroon din umanong mga empleyado ng Philippine Health Insurance Corp. ang nagpahiwatig na rin ng kanilang interest sa pagtestigo sa Task Force PhilHealth.

Sinabi ni Perete ang mga empleyado umano mismo ang lumapit sa task force at nag-alok na magbibigay ng impormasyon na posibleng magamit sa imbestigasyon ng katiwalian sa korporasyon.

Pero sa ngayon ay patuloy umanong bina-validate ng task force ang kanilang mga testimonya.

Sa oras na makapagbigay daw ng mahalagang impormasyon at dokumento ang mga empleyado ay isasalang puwede na raw silang maging testigo at isasailalim din sa witness protection program (WPP) ng DoJ.