Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na sinampahan na ng kasong murder ang suspendidong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag at dating deputy security officer Ricardo Zulueta dahil sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor.
Sa isang pahayag, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na ang kasong pagpatay kay Lapid ay inihain sa Las Piñas Regional Trial Court noong Marso 14, Martes, habang ang kasong pagpatay kay Villamor ay isinampa noong Marso 13 sa Muntinlupa Regional Trial Court.
Kinasuhan ng DOJ sina Bantag, dating deputy security officer Ricardo Zulueta, at iba pa sa pagpatay kina Lapid at Villamor.
Sinabi ng mga tagausig na ang pagkamatay ni Villamor ay kaakibat ng pagkamatay ni Lapid at ginamit ito para pagtakpan ang pagkamatay ng mamamahayag na si Lapid.
Ayon sa DOJ, may sapat na circumstantial evidence ang iniharap upang matukoy ang may pakana ng pagpatay kay Lapid.
Sa panig naman ng kampo ni Bantag, maghahain sila ng mga kinakailangang pleading habang sinabi ng kampo ni Zulueta na inasahan nila ang indictment ukol sa nasabing kaso.