-- Advertisements --

Magpapasya ang Department of Justice (DOJ) kung mag-iisyu ng immigration lookout bulletin order (ILBO) laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa oras na matanggap ang preliminary report mula sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality kaugnay sa umano’y mga sexual abuse cases ng kontrobersiyal na religious leader.

Ang naturang Senate committe kasi ang siyang nagiimbestiga sa claims ng ilang tagasunod ni Pastor Quiboloy na umano’y mga biktima ng sexual abuse.

Ayon pa kay Justice Secretary Jesus Remulla mayroon ng initial letter mula sa Senate committee subalit kakailanganin ng marami aniyang letter para tuluyang makapag-isyu ang DOJ ng immigration lookout bulletin order.

Ang mga indibidwal kasi na nasa immigration lookout bulletin order ay binabantayan ng immigration officers kung aalis o papasok sa bansa bagamat hindi sila pinagbabawalang bumiyahe.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento si Sec. Remulla kaugnay sa mga naging testimoniya ng umano’y mga biktima ni Pastor Quiboloy gayundin sa usapin kaugay sa naging akusasyon ng religious leader kay PBBM na umano’y nakikipagsabwatan sa gobyerno ng US para arestuhin siya o ipapatay.