-- Advertisements --
Screenshot 2019 06 20 18 57 40

Ibinunyag ng Department of Justice na ibinasura nito ang halos kalahati ng lahat ng reklamong smuggling na inihain ng Bureau of Customs at Department of Agriculture mula 2016 hanggang Pebrero 2023.

Sinabi ni State Counsel III Florina Agtarap sa pagdinig ng Senado na ang pinakahuling datos mula sa National Prosecution Service ay nagpakita na sa 159 na kaso na kanilang natanggap, 76 o katumbas ng 48% ay binasura ng DOJ.

Hindi maibigay ni Agtarap ang mga partikular na dahilan kung bakit ibinasura ang mga kaso, ngunit matapos na gisain siya ni Senator Francis Tolentino, chair ng Senate justice panel, napaamin ito na posibleng ang mga dismissal ay dahil sa nawawala o kulang na submissions.

Ayon pa kay Agtarap na sa mga kasong isinampa sa DOJ, siyam lamang kasi ang umabot sa korte.

Sa ilalim ng mga bagong panuntunan ng DOJ, ang National Prosecution Service ay nagsasagawa ng inquest proceedings sa mga kaso ng warrantless arrest at paunang imbestigasyon sa mga reklamong inihain sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas o pribadong partido upang matukoy kung may makatwirang certainty of conviction bago sila iharap sa korte.

Sinabi din ni Agtarap sa panel na inatasan na ng DOJ ang mga prosecutor na makipagtulungan sa mga law enforcement agencies, kabilang ang BOC, para gabayan sila sa pagsasampa ng mga kaso.