-- Advertisements --

Hiniling ngayon ng Department of Justice (DoJ) na hintayin muna ang statement na ilalabas ng opisina ng prosecutor general kaugnay ng pagbawi ng self-confessed druglord Kerwin Espinosa sa lahat ng kanyang alegasyon laban kay Sec. Leila De Lima na kasalukuyang nakakulong ngayon sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, mas maigi raw na hintayin ang ilalabas ng prosecutor general na pahayag para makita nang buo ang kanilang paliwanag sa naturang isyu.

Maliban dito, mas makukuha raw ang proper context kapag sa kuwento kapag iaanalisa muna ang ilalabas na pahayag ng DoJ hinggil dito.

Una rito, ginawa raw ni Kerwin Espinosa ang pagbawi sa pamamagitan ng isang counter affidavit na kanyang pinanumpaan sa DoJ kahapon sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty. Raymund Palad.

Magugunitang inakusahan ni Kerwin si Sen. Leila de Lima na nuon ay siyang Justice Secretary ng DoJ na sangkot ito sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Mariin naman itong itinanggi ni Sen. De Lima ang nasabing alegasyon at sinabing mali ang nakuhang impormasyon ni Pang. Rodrigo Duterte.

Hinamon naman ni De Lima ang mga nag-aakusa sa kaniya na maglabas ng ebidensiya na sangkot ito sa operasyon ng iligal na droga.

Sa kabilang dako, inalis na rin si Kerwin Espinosa sa Witness Protection, Security and Benefit Program ng gobyerno dahil ibat-ibang infractions at isa dito ang tangka nitong pagtakas mula sa kulungan.

Mula sa pagkakakulong sa NBI inilipat na si Kerwin ngayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) detention cell sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Si Espinosa ay nahaharap sa multiple criminal cases pending sa Manila regional trial court (RTC) Branches 16 at 51; Makati City RTC Branch 65; Pasay City RTC Branch 114; Cebu City RTC Branch 23; at Ormoc City RTC Branch 12.