IMG 20191122 120913

Nagpasaklolo na ang Department of Justice (DoJ) sa Court of Appeals (CA) dahil pa rin sa usapin kaugnay ng pagpayag ng Legazpi court na makapagpiyansa sa kasong murder si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo kaugnay ng pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.

Kasunod na rin ito ng pagbasura ni Judge Maria Theresa San Juan Loquillano sa inihaing apela sa naunang desisyon na payagang makapagpiyansa si Baldo.

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra, naghain na sila ng petition for certiorari sa appellate court para kuwestiyunin ang naging pasya ni Judge Loquillano pabor kay Baldo.

December 22, 2018 nang barilin si Batocabe habang namamahagi ng pamasko sa mga nakatatandang residente ng Daraga.

Mayo ng 2019 nang sumuko sa otoridad si Baldo at August 29 nang magpasya si Loquillano na payagang makapagpiyansa si Baldo.

September 4 nang magbayad sya ng P8.7 million na piyansa pero nakalabas lang ng piitan makalipas ang limang araw.

Umapela ang DoJ sa desisyon ng hukom at kinumpirma ng kalihim na ibinasura ng hukom ang apela kaya inakyat na ng DoJ sa CA ang usapin.