-- Advertisements --

Magiging lingguhan na raw ang pag-uulat ng Department of Health (DOH) sa “time-based recoveries” ng COVID-19.

Nitong Linggo umabot sa 40,397 additional recoveries ang iniulat ng ahensya. Bunga raw ito ng Oplan Recovery strategy na matagal na rin nilang ipinatutupad.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nagsisimula ang Oplan Recovery sa pagsasala ng central office kung sino mula sa total active cases na mild at asymptomatic ang hindi na lumala ang sitwasyon matapos ang 14-araw mula nang sila ay mag-positibo sa test, o unang nakaramdam ng sintomas.

“Ang mga recoveries ay kritikal na sukatan upang ating masuri at mabalanse kung maayos ba ang mga interventions na ating ginagawa.”

“Mula nang sinimulan natin ang Oplan Recovery, ito ay constant at patuloy na isinasagawa upang masiguro na tama at updated palagi ang ating mga datos.”

Kapag nalista na nila kung sino ang mga hindi lumala ang COVID-19 infection, ay ipapadala nito ang listahan sa kanilang Centers for Health Development (CHD) o sa mga rehiyon.

Dito ima-match ng CHDs ang kanilang datos sa impormasyong ipinadala ng DOH central office.

Sa level din ng mga CHD dapat masigurong walang severe, critical at death case na nasama sa listahan ng kanilang iva-validate.

Matapos nito ay ibabalik nila ang listahan sa Central office para sa huling level ng validation, gaya nang pag-tukoy sa kasarian, edad at iba pang personal na detalye. Tapos tsaka pa lang i-uulat ng DOH sa publiko.

Isang buong linggo inaabot ang proseso na ‘yan at sakto sa araw ng Linggo ang reporting nila sa resulta ng validation.

Kung hihimayin natin itong iniulat ng DOH na recoveries, 914 lang ang talagang nai-report na gumaling noong Sabado. Pero ang time-based recoveries ay umabot sa 39,483.

“Magandang indikasyon ito upang malaman kung anong lagay na ba natin kontra COVID-19.”

“Makikita na mabusisi itong prosesong ito at napakahalagang tama ang datos na ilalabas natin kaya maraming layers of cleaning and validation na pinagdadaanan ng recoveries na inuulat natin.”

Ayon kay Usec. Vergeire may basbas mula sa ilang grupo ng mga doktor itong syptoms-based recovery strategy nila.

May inilabas na rin daw na artikulo ang World Health Organization ukol sa pagiging non-infectious o hindi na nakakahawa ng isang asymptomatic case, sa ika-sampung araw mula nang siya ay nag-positibo sa COVID-19.

Ganito rin sa mild cases na ang basehan naman ay ika-13 araw mula nang siya ay unang nakaramdam ng sintomas ng sakit.