-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang pressure sa local vaccine expert panel kaugnay ng pagpili sa mga bakuna ng COVID-19 na bibilhin at gagamitin sa bansa.

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas gusto niyang manggaling sa China at Russia ang COVID-19 vaccines na i-aangkat ng estado.

“Walang pressure, katulad ng sabi natin, kung ano mang bakuna ang dadating sa bansa it wil go through the usual, yung ating regular regulatory process. Kung ano man yung mayroon tayong regulation sa bansa, ipapatupad natin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Nilinaw ng tagapagsalita ng DOH na hindi lang naman naka-depende sa COVID-19 vaccines ng Russia at China ang estado, dahil may mga kausap pang ibang manufacturers ang gobyerno.

Sumali rin daw tayo sa inisyatibong COVAX Facility, na magsisigurong makakatanggap ng patas na supply ng COVID-19 vaccine ang bansa.

Sang-ayon ang DOH sa pahayag ng pangulo, na ayon sa batas, hindi maaaring maglabas ng bayad ang estado sa mga gamit o serbisyo hindi pa nakakarating ng bansa.

“Hindi tayo (pwedeng) magkaroon ng committment for us to pre-pay a specific vaccine, because under a Republic Act (Government Procurement Reform Act) kailangan alam mo yung technical specifications ng bibilhin mo. Kailangan kapag na-deliver na yung goods, tsaka tayo magbabayad.”

Sa kabila nito, pinag-aaralan pa rin daw ng mga opisyal ang posibleng advantage kung magbibigay ng paunang bayad ang Pilipinas sa mga nagde-develop ng bakuna.

Sa ilalim ng panukalang 2021 budget ng DOH, P2.5-billion ang alokasyon para sa COVID-19 vaccines.

PHILIPPINE VACCINE LANDSCAPE

Batay sa huling update ng Health department, nakapag-submit na ang gobyerno ng confidentiality disclosure agreement (CDA) sa China para sa clinical trials ng bakuna ng Sinovac Biotech.

Pati na rin sa Russia para sa Sputnik V, at Amerika para naman sa bakuna ng Moderna. Hinihintay naman ng pirma ang opisina ni Sec. Duque para maipasa rin ang CDA sa kompanyang Pfizer.

“Mayroon pa rin tayong mga ibang CDA na pinag-uusapan with different manufacturers of these vaccines. Yung sa Sinopharm, Chinese Academy of Sciences, Adimmune (Taiwan) at Seqirus (University of Queensland), na pinag-usapan ng DOST with them.”