-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of Health (DOH) na may bagong strain ng virus na nagdudulot ng impeksyon sa COVID-19 ng young adult group sa Pilipinas.

Reaksyon ito ng ahensya sa isang kumakalat na post online kung saan sinabing mas marami nang tinatamaan ng coronavirus sa bansa na nasa pagitan ng edad 20 hanggang 40-anyos.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, iresponsable ang pagpapakalat sa mga ganitong uri ng impormasyon na walang matibay na scientific evidence.

Bagamat may mga pag-aaral nang nagsasabi na karamihan ng tinatamaan ng COVID-19 sa bansa ay nasa pagitan ng nasabing mga edad, ay hindi naman daw ito dulot ng bagong strain ng virus.

“There is no new strain of the virus here in the Philippines. It is very dangerous and irresponsible to say that we now have a different strain here in the country,” ani Vergeire sa isang media conference.

“The age group with the highest number of cases is 20-49 years old. It is not because there is a new strain that has been targeting them. It is because they are usually the ones going out of their houses to go to work and to do their errands.”

Kung maaala, nadiskubre ng local experts ang G614 na bagong variant ng SARS-COV-2 virus sa ilang lugar sa Pilipinas. Pero kahit sinasabing mas mataas ang viral load nito kumpara sa orihinal na variant na D614G, ay wala pa ring ebidensya na mas nakakahawa at mas nakakamatay na ito.

Batay din sa datos ng ahensya, nananatiling mataas ang prevalence o tsansa ng pagkamatay sa COVID-19 ng mga matatanda at may iba pang iniindang sakit.

“No age group is invisible or immuned from this coronavirus. With the increase in the cumulative cases we shall see cases among all ages.”

Apela ng opisyal sa publiko, wag maniniwala sa mga kumakalat na impormasyon na walang malinaw na pinagbabasehan.

Wala pang inilalabas na statement ang Makati Medical Center na idinawit din sa nasabing viral post.