Aminado ang Department of Health (DOH) na may ilang testing laboratory pa rin ang kulang ng encoders kaya may mga delayed submission sa datos ng COVID-19.
Ngayong 4 PM, Disyembre 7, 2020, ang Department of Health ay nakapagtala ng 1,574 na karagdagang kaso ng COVID-19….
Posted by Department of Health (Philippines) on Monday, December 7, 2020
“Kasi yung ibang laboratories, until now, they still don’t have dedicated encoders. So yung mga nagpo-proseso ng test nila sa mga laboratoryo, sila rin ang expected na mag-encode nitong mga submission na kailangan ibigay, i-upload sa ating CDRS (COVID-19 Data Repository System),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum nitong Lunes.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng patuloy na report ukol sa mga laboratoryo na bigong makapag-pasa ng kanilang mga datos.
Ayon kay Usec. Vergeire, wala namang backlog ng mga datos sa ngayon dahil agad nilang napo-proseso ang mga report na natatanggap.
“Ang ating mga datos sa ngayon, for about 4-months already, ay nalilinis namin at nava-validate namin for 24-hours. And if we talk about our laboratories, mayroon man napakaliit na backlogs lang.”
Katuwang ng ahensya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa paglilinis ng sistema.
Bukod sa kulang na manpower ng mga laboratoryo, ikinikonsidera rin ng ahensya na dahilan ng late submissions ang pagse-set up ng mga bagong testing labs.
“Yung ibang laboratories, every Saturdays and Sundays, they close for disinfection and maintenance.”
Una nang naglabas ng kautusan ang Inter-Agency Task Force (IATF) para “on time” na magpasa ng datos ang mga testing laboratories.
Sa ngayon pumapalo na lang sa 10 hanggang 12 ang average na bilang ng mga laboratoryo na late nakakapagpasa ng datos kada araw, ayon sa DOH.
As of December 6, 2020, nasa 144 na ang bilang ng RT-PCR testing laboratories sa buong Pilipinas. May 43 namang GeneXpert laboratories, at 84 na pending application.
Nitong Lunes, December 7, lumabas sa case bulletin report ng DOH na 10 laboratoryo ang hindi nakapagpasa ng report sa CDRS.