-- Advertisements --

Wala pang natutukoy na kaso ng Lambda o C.37 variant ng coronavirus sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ito ni Health Secretary Francisco Duque III sa briefing sa Malacanang base na rin sa submission ng Philippine Genome Center.

Sa kabila nito, iginiit ng kalihim na kailangan pa ring panatilihin ang istrikto na border control para maiwasan ang pagkalat ng bagong variant na ito, na ayon sa World Health Organization (WHO) ay maikokonsidera bilang “variant of interest.”

Mahalaga aniyang mabantayan ito ng husto dahil baka bigla na lamang maging variant of concern.

Sa ngayon, ayon sa country representative ng WHO sa Pilipinas na si Dr. Rabindra Abeyasinghe, pinag-aaralan pa nila ang characteristics ng Lambda variant.

Una nang lumutang ang impormasyon na maaaring mas nakakahawa ang Lambda na unang na-detect sa Peru.