Pinakakalma ng Department of Health (DOH) ang publiko matapos lumabas ang ulat tungkol sa nadiskubreng mutated strain ng SARS-CoV-2 virus dito sa Pilipinas.
Ang SARS-CoV-2 ay ang virus na nagdudulot ng pandemic ngayon na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, patuloy pang pinag-aaralan ng mga nakatuklas na eksperto mula sa Philippine Genome Center ang umusbong na strain ng virus, na sinasabing mas nakakahawa kumpara sa una nitong strain.
“Itong sinasabi nila na D614G mutation, may higher siya na possibility na mas transmissible siya, mas higher ang level niya makakapag-transmitt sya sa iba or infectiousness niya.”
“Wala pa tayong evidence to say na ‘yan ay talaga ay mangyayari.”
Sa mga unang pag-aaral na ginawa ng iba’t-ibang eksperto sa buong mundo, ang D614 mutation ang pinaka-common o kilalang variant ng SARS-CoV-2 virus.
Pero nitong Hulyo, natukoy ng isang grupo ng researchers sa Amerika na nag-mutate o nagbago pa ang unang mutation ng virus.
Kilala na ito ngayon sa tawag na G614 strain, na agad daw naging dominant o mas mabilis na kumalat sa US at Europe.
Noong Marso, sinimulan rin ng PGC ang gene sequencing o pag-alam sa identity ng virus ng ilang positive samples mula sa PGH at RITM. Lahat sila ay nakumpirmang D614 mutation.
Pero sa hiwalay pang sequencing ng PGC nitong Hunyo sa ilang random positive samples ng Quezon City, nakita nila na bukod sa unang mutation ng virus, ay may kasama na ring G614 strain ang maliliit na samples na sinuri.
“Unang-una kailangan maintindihan ng ating mga kababayan na itong ginawang study ng PGC, naka-centralize ‘to sa Quezon City so it might not be a representative sample for the rest of the country.”
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng public health expert na si Dr. Tony Leachon, na balewala ang mutation ng SARS-CoV-2 virus kung magiging disiplinado ang publiko sa pagsunod sa health protocols.
“I really don’t care kung may mutation eh, kasi ang kailangan mo dito ay dobleng ingat na eh. If you have face mask, face shield, and you wash your hands, may alcohol siya. Kahit mild, moderate o severe siyang virus na papasok sa’yo, it’s about your protection.”
Pinabulaanan naman ng DOH ang mga teorya ukol sa posibleng G614 mutation na dahilan nang muling pagpo-positibo sa COVID-19 ng ilang indibidwal, tulad ni DILG Sec. Eduardo Ano.
“We still need a lot of evidence for us to say na talagang mutated na yung virus at ‘yan yung kumakalat sa ating bansa.”
“Hindi pa conclusive kasi yung study ng PGC was just in the Quezon City area so kailangan palawakin pa.”
Ayon sa PGC, hindi pa rin malinaw kung talagang mas nakakahawa ang mga taong infected ng bagong strain ng SARS-CoV-2 virus, at kung may malaking epekto sa clinical outcomes ang pagbabago-bago nito.