MANILA – Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang mga ulat tungkol sa umano’y bentahan ng slot para sa COVID-19 vaccination.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakipag-ugnayan na ang kagawaran sa Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) para masiyasat ang nagkalat na “vaccine slot for sale” sa social media.
“Nakikipagtulungan na ang PNP at kanilang mga units (yung Cybercrime Unit); this is through the DILG, nakipag-usap na tayo. And we also had a coordination with local government units involved,” ani Vergeire.
Kamakailan nang mag-viral sa social media ang mga larawan ng usapan tungkol sa binebentang slot ng COVID-19 vaccination sa Mandaluyong City.
Nag-utos na ng hiwalay na imbestigasyon ang nasabing LGU para matunton ang mga nasa likod ng iligal na aktibidad.
“One of the LGUs even had to ask help to the National Bureau of Investigation para mapabilis ang imbestigasyon sa kasong ito.”
Nakatakdang magpulong ang Metro Manila Council ngayong linggo kaugnay ng “vaccine slot for sale.”
Sa ngayon wala pang ibinibentang COVID-19 vaccine sa merkado dahil nasa estado pa rin ng pag-aaral ang mga bakuna.