Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na handa na para sa panibagong roll-out ang locally-developed COVID-19 test kits matapos makitaan ng ilang depekto.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakakuha na ng special certification mula sa Food and Drug Administration ang test kits na dinevelop ng University of the Philippines.
“Hindi ito ire-recall kung minor ang defect. So mayroon talaga tayong naging issue, deficiency ng ating locally produced test kits. Naiayos nila ang deficiency na iyon,” ani Vergeire sa online media forum.
Sa ngayon nakikipag-coordinate na raw ang DOH sa mga developers ng test kit. Pati na saDepartment of Science and Technology at manufacturer na Manila HealthTek, Inc.
“Ngayon nakapagsubmit na sila ng bago, na-validate na ulit ng RITM. Tinutulungan natin sila ngayon para maumpisahan na natin ang paggamit sa piling laboratoryo dito sa ating bansa.”
Ang hinihintay na lang daw ngayon ay maglabas ng final advisory ang DOH para magamit na muli ang local test kits.
Kailangan din umanong dumaan muli sa training ang mga laboratoryo, pati na sa proficiency test.
Nagkakahalaga ng P1,320 ang nasabing test kits, na mas mura mula sa higit P8,000 presyo ng kits noon.