Todo paalala ang Department of Health (DOH) sa mga naninigarilyo na huminto na o huwag subukang manigarilyo para sa mga non-smoker upang mabawasan ang panganib na magkaroon ng mga sakit sa puso.
Ayon kay Dr. Maria Rosario Sylvia Uy ng DOH Disease Prevention and Control Bureau, ang paninigarilyo ay nauugnay sa mataas na panganib ng coronary heart disease.
Ang coronary heart disease ay isang uri ng sakit sa puso dahil sa kawalan ng oxygen na dumadaloy papunta sa puso.
Base kasi sa data mula sa Philippine Statistics Authority, ang ischemic heart disease o coronary heart disease ang pangunahing dahilan ng pagkamatay sa Pilipinas maging sa buong mundo noong 2022.
Isa nga sa modifiable factors ng coronary artery disease ay ang paninigarilyo.
Sinabi pa ni Dr. Uy na ang mga naninigarilyo na mayroon ding iba pang commorbidities ay mas madaling makaranas ng atake sa puso.
Klaro din aniya base sa pag-aaral na kapag itinigil ang paninigarilyo halimbawa na lamang sa loob ng tatlong taong hindi paninigarilyo ay nababawasan ang banta ng pagkakaroon ng coronary artery disease at heart attack.
Makikita rin aniya sa mga pasyente na tumigil manigarilyo na tumataas ang high-density lipoprotein (HDL) na good cholesterol kayat mahalaga aniya ito.
Hinimok din ni Segundo ang mga naninigarilyo na ugaliing magkaroon ng healthy lifestyle at may mga doktor din na makakatulong kapag nahihirapang talikuran ang bisyo.