-- Advertisements --

Mauupo bilang bagong pinuno ng National Vaccination Operations Center (NVOC) si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong nalalapit na ang pagpapalit ng administrasyon.

Ipinahayag ito ng undersecretary sa isinagawang media forum ng Department of Health (DOH) ngunit nilinaw niya na posible pa rin aniya itong magbago sa oras na tuluyan nang maupo ang susunod na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Habang sa bukod naman na pahayag ay sinabi naman ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na mapupunta sa mabuting mga kamay ang vaccination program ng DOH kasabay ng kaniyang pagsisiwalat ng kaniyang pag-alis sa naturang posisyon na papalitan naman ni Vergeire dahil magtatapos na kaniyang termino sa Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.

Aniya, magtutuluy-tuloy lamang ang pagbabakuna ng pamahalaan sa pangunguna ni Usec. Vergeire sa bagong administrasyon na magiging matagumpay din naman aniya dahil sa magagaling ang mga taong hahalili sa kanila.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat na ipinahayag ni Vegeire kay Cabotaje dahil sa mga ginawang effort at sakripisyo nito sa pamumuno sa National Vaccination Operations Center.

Matatandaan na bago ito ay nanungkulan na bilang spokesperson ng DOH si Usec. Vergeire sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at nagsilbi rin siya bilang deputy director general ng Food and Drug Administration sa ilalim ng administrasyon Aquino.