MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na dadaan pa rin sa pagsusuri ng local experts ang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese company na Sinopharm.
Pahayag ito ng ahensya matapos utusan ni Health Sec. Francisco Duque III ang kagawaran na maghain ng aplikasyon para sa emegency use authorization ng Sinopharm sa Pilipinas.
Pati na ang pagkakasali ng Chinese vaccine sa emergency use listing (EUL) ng World Health Organization (WHO).
“Even with the EUL, dadaan pa rin yan sa regulatory process, pag-aaralan pa rin yan ng vaccine experts panel at Food and Drug Administration (FDA),” ani DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.
Aminado ang opisyal na malaking tulong ang EUL para mapabilis ang proseso ng emergency use application ng isang vaccine manufacturer sa bansa. Mapapabilang na rin daw ito sa mga bakuna na maaaring ibahagi bilang donasyon ng COVAX Facility.
“It went through a very rigorous regulatory process, kung saan hindi lang sila nage-evaluate ng dossier, pumupunta rin sila sa manufacturing plant para makita yung quality on how they manfucture these vaccines.”
Nitong araw nang sabihin ni Sec. Duque na maghahain na ng aplikasyon sa FDA ang Health department para sa EUA.
Pero nilinaw ni Usec. Vergeire na kailangan pa nilang makumpleto ang mga datos at dokumento bago pormal na makapaghain ng aplikasyon.
“Kailangan natin makuha yung dossier ng Sinopharm so that we can complete the process for applying… there are documents required, sa ngayon humihingi tayo ng dokumento sa WHO.”
Ipinaliwanag naman ng opisyal na hindi ito ang unang beses na maghahain ng EUA application ang ahensya para sa isang gamot o bakuna.
“We have done this for the COVAX Facility, mga donasyon ng China (Sinovac). This is something that we do so that we can facilitate the process of receiving vaccines… we have policies to support that DOH can appy for this EUA.”
Ayon kay Vergeire, posibleng “government-to-government” ang maging proseso sa aplikasyon ng EUA. Pinapayagan naman daw kasi ito lalo na kung donasyon mula sa pamahalaan ng ibang bansa ang bakuna.
Kamakailan nang bakunahan ng Sinopharm vaccine si Pangulong Rodrigo Duterte, kahit wala pang emergency use ang naturang brand sa Pilipinas.