Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga ospital at iba pang health facilities na huwag singilin ang mga pasyente kung donated na personal protective equipment (PPE) naman ang gamit ng kanilang medical workers.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga ulat na may ilang pagamutan ang mahal mag-charge o maningil sa PPE pagdating sa hospital bill.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi naman ipinagbabawal ang charging ng PPE sa mga pasyente. Katunayan pinapayagan daw ito sa ilalim ng Department Memorandum 2020-0269.
“This is allowed. We have issued this guideline, this is the interim guidelines on appropriate charging of personal protective equipment for patients during the COVID-19 health emergency response period.”
Nakasaad sa naturang kautusan na dapat 30% lang ng total cost ng PPE ang sinisingil ng medical facility sa pasyente. Kung donated PPEs naman ang gagamitin ng healthcare worker sa kanyang duty, hindi ito pwedeng singilin ng pasilidad.
“We need to consider that some of these PPEs talagang pinagkakagastusan ito, lalo na dyan sa private sector.”
Bukod sa pagbabawal ng charging sa donated na gamit, may mga batayan din umano sa ilalim ng memorandum ukol sa tamang paniningil ng PPEs.
“Unang-una yung accommodation, cohorted ba yung pasyente sa ward? May separate ba siyang isolation room, or in an intensive care unit.”
Paliwanag ni Vergeire, asahang mas magastos kung ang pasyente ay nasa ICU kumpara sa ward kung saan higit sa isang pasyente lang ang binabantayan.
Dagdag gastos din daw talaga ang pagbibigay ng PPE sa pasyente at bisita nito.
“And then also, you have to consider the number of your healthcare workers. Halimbawa sa isang shift, tinitingnan natin kung ilan yung healthcare workers mo at doon mo iba-base yung pag-compute mo ng ‘yong admin cost for PPE; and of course yung shift.”
Pinababantayan ng Health department sa kanilang regional offices ang charging ng mga ospital sa PPEs para matiyak na patas ang kanilang paniningil sa mga pasyente.










