Hinimok ng Department of Health (DOH) ang magulang ng mga bata at sanggol na huwag kalimutang pabakunahan ang mga ito kahit may krisis ang bansa dahil sa COVID-19.
Simula noong April 24 hanggang 30 ay ipinagdiriwang sa buong mundo ang World Immuzation Week.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tinatayang 20-milyong bata sa buong mundo ang hindi nabibigyan ngayon ng kinakailangan nilang bakuna.
“Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pagbabakuna ay nakapagliligtas ng
milyong buhay taun-taon at kinikilala na isa sa pinaka-successful at cost-effective health
intervention sa buong mundo,” paliwanag ng opisyal.
Naglabas na raw ang DOH ng Interim Guidelines for Immunization Services in the Context of COVID-19 Outbreak.
Nakapaloob dito ang pagbibigay ng routine immunization sa mga bagong panganak hanggang 1-year old na sanggol, at selective catch-up vaccination ng mga wala pa sa 5-taong gulang na bata.
Kailangan daw na naaayon sa national guidelines on infection prevention and control ang pagbibigay ng nasabing mga bakuna.
“Kung hindi posible ang pagbabakuna o kung saan ang benefit risk assessment ay negative, maaaring pansamantalang suspendihin ang routine immunization.”
Responsibilidad daw ng healthcare workers sa mga lokalidad na maglista ng mga batang hindi pa nababakunahan para sa active catch-up immunization.
“Hinihikayat ang mga pribadong klinika na ipagpatuloy ang pagbibigay ng bakuna
at mahigpit na sundin ang infection and prevention control. Iwasan ang overcrowding at mahigpit na ipatupad ang physical distancing.”
Sinabi naman ni Health Usec. Myrna Cabotaje ng Public Health Services Team na libre ang lahat ng bakuna sa mga public health centers.
Posible lang daw na sarado ang ilan dahil sa COVID-19 pero maaaring mag-organisa ng immunization sa mga bahay-bahay.
“Napakahalaga po ang pagbabakuna dahil nagbibigay ito ng proteksyon sa mga laban sa pagkakasakit pati yung pagkamatay ng mga bata laban sa polio, tigdas, tetano, diptheria.”