Marikina COVID 19 testing
IMAGE | Marikina City Mayor Marcelino Teodor/Marikina PIO

Hinimok ng Department of Health (DOH) ang local government units na planong magtayo ng laboratory testing facility para sa COVID-19 na makipag-ugnayan muna sa ahensya bago isailalim sa test ang kanilang mga residente.

“Hinihikayat namin ang ibang LGU na planong magkaroon ng testing laboratory para sa COVID-19 na makipag-ugnayan muna kayo sa Kagawaran ng Kalusugan para mabigyan namin ng wastong gabay sa pagpapatayo at pag-set up.”

Nitong Lunes nang bisitahin ng assessment team ng DOH at World Health Organization (WHO) ang itinayong testing center ng Marikina City para sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, mabusisi ang pagsasagawa ng testing sa sakit at kailangan ng matinding pag-iingat para hindi kumalat ang virus.

“Iba ang requirements para makapag-test ng COVID-19 specimens, mas madaming kailangan at mahigpit ang protocol para masiguro natin na hindi mahahawa ang komunidad at aking healthcare workers o laboratory technicians.”

Nagpasalamat ang DOH sa lokal na pamahalaan ng lungsod pero nilinaw ng ahensya na kailangan muna ng certification ng laboratoryo para payagan ang operasyon nito.

“Naabisuhan na natin ang pamahalaan ng Marikina kung ano pa ang kanilang kailangan para ito ay ma-certify. Inaasahan natin ang kooperasyon ng kagawaran at sa lalong madaling panahon ay magamit na din ang laboratoryong ito.”

Una ng nanawagan si Mayor Marcelino Teodoro sa DOH na huwag ng patagalin ang proseso sa pagce-certify ng kanilang inisyatibo.

“DOH should not treat Marikina as a client applying for a license to operate a laboratory like this, kundi it should be a partnership. This is a whole of government approach kung saan nagtutulong-tulong ang lokal at national. Kung ano ang kakulangan sa national ay pinupunan ng mga lokal na pamahalaan,” ani Teodoro.