MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang local government units na tiyaking masusunod ang health protocols sa komunidad kasabay ng pagdiriwang ng year-end holiday.
Pahayag ito ng ahensya, kasunod ng paalala sa publiko na iwasan muna ang paggamit ng torotot at pito na pampaingay sa pagsalubong ng bagong taon.
“Ang DOH kasi ang naging reference ng iba’t-ibang ahenysa regarding policies for health, so halimbawa nagsabi tayo na iwas muna sa ibang bagay, dito naman nakakapag-align ang iba’t-ibang sangay ng gobyerno sa ating mga protocol,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Hindi man maipagbawal sa pagbebenta, ang DILG sana makatulong sa atin sa pag-eenforce na hindi muna magamit itong klase ng pampaingay sa kapaskuhan at bagong taon.”
Paliwanag ng DOH spokesperson, mataas ang posibilidad na mahawaan ng isang confirmed COVID-19 cases ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng hangin na lalabas mula sa torotot at pito.
“Talagang it can increase the viral load that will be expelled in the air, and it can be transmitted sa mga taong nandoon sa kaharap ng tao na nagto-torotot o pumipito.”
Bukod sa enforcement sa paggamit ng mga torotot, nagpaalala rin ang DOH sa LGUs ukol sa kani-kanilang Christmas displays na humahakot ng pagtitipon ng publiko.
Ayon kay Usec. Vergeire, baka pwedeng i-konsidera ng mga lokal na pamahalaan ang ilang alternatibo para sabay-sabay pa ring mapagdiwang ng komunidad ang Pasko nang hindi nagkukumpulan sa pampublikong lugar.
“We are constantly reminding people of this possible surge and we are constantly reminding them that it is inevitable kung hindi natin pipigilan ang pagsasama-sama ng tao sa labas, not complying with minimum health stadards.”
“We encourage our local officials na kung may ganito tayong pagtitipon maiwasan natin na nagkukumpol-kumpol yung tao, may alternative means of doing these kind of things.”
Ang mga simbahan naman, pinaalalahanan din kaugnay ng mga misa at Simbang Gabi, kung saan kumakanta ang mga choir.
“Isa ‘yan sa dapat mapag-aralan at mapagsabihan din ang ating mga kaparian at mga simbahan na this might cause the spread of virus as well. This (church) is still a venue for the transmission of the virus and we will be, mas magkaroon tayo ng advisory sa mga simbahan.”