-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hiniling ng Department of Health (DOH) sa mga local government unit (LGU) lalo na sa mga opisyal ng mga barangay na mahigpit na ipatupad ang nationwide 4o’clock habit.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa patuloy na paglobo ng mga kaso ng dengue sa bansa na aabot na sa mahigit 188,000.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Undersecretary Eric Domingo na ang nationwide 4 o’clock habit ay hakbang ng DOH na tuwing sasapit ang alas-4:00 ng hapon ay sabay-sabay na itataob ang mga bagay sa bakuran na maaring pangitlogan ng lamok na may dalang dengue.

Maliban sa tulong ng Department of Interior and Local Government na magbabantay sa implementasyon ng mga LGU sa nasabing hakbang, katuwang din nila ang mga regional offices ng DOH upang matiyak na ang lahat ay sumusunod dito upang bumaba ang bilang ng mga dengue cases sa bansa.

Ipinaliwanag nito na nananatili ang deklarasyon ng national dengue epidemic sa bansa at matatanggal lamang ito kung makikita nila na mababa na ang kaso ng nakakamatay na sakit sa iba’t ibang lugar.