-- Advertisements --

Hindi kumbinsido ang Department of Health (DOH) sa mas mahabang exposure sa online classes ng mga batang estudyante na target ipatupad ng Department of Education (DepEd).

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng Education department na posibleng ma-extend nang hanggang walong oras ang online classes ng mga mag-aaral.

Resulta raw kasi ito ng desisyon ng kagawaran na iurong sa Oktubre ang pagbubukas ng klase.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may mga pag-aaral na nagsasabing hindi maaaring mababad ng matagal sa klase ang mga batang edad limang taong-gulang pababa.

“Hindi sukat na dapat ay 8-hour straight learning, there should be also physical activity. Hindi pwedeng nakaupo sila sa harap ng computer for 8-hours. Kailangan valid yung mga activities na binibigay, katulad ng storytelling.”

Para naman sa mga batang lampas sa nasabing edad, hindi rin umano inirerekomenda ang matagalang exposure sa online class.

“Of course yung 8-hour straight, kung titingnan natin, me being a doctor, syempre kailangan pa ring tumatayo-tayo sila, may break time para hindi strain ang eyes, ang back. Kailangan may i-include na mga break para ma-exercise nila mga katawan nila.”

Paliwanag ni Usec. Vergeire, pinag-aaralan pa rin ng kanilang mga eksperto ang plano ng DepEd para makapagbigay ng malinaw na rekomendasyon.

Sa isang panayam sinabi ni Education Usec. Jesus Mateo ang nasabing adjustement ay dulot ng pagtalima sa batas na dapat ay 200 hanggang 220 days ang school calendar.

May ilang adjustements pa raw na plano ang DepEd bukod sa extension ng oras sa klase.

Sa October 5 na ang bagong schedule ng class opening sa pampublikong eskwelahan.