Dinepensahan ni Department of Health (DOH) Usec. Vergeire ang ahensya mula sa mga bumabatikos hinggil sa COVID-19 testing ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno kahit walang sintomas ng sakit.
Paliwanag ni Vergeire, hindi pa nila binabago ang criteria sa mga dapat magpa-test noong panahon na kinuhanan ng samples sina Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Bong Go, Sen. Juan Miguel Zubiri at iba pa.
Sa ilalim daw kasi ng naunang protocol, ang mga papayagan lang magpatest noon ay yung mga may may travel history o record ng close contact sa isang COVID-19 patient kahit asymptomatic.
Una ng sinabi ng ahensya na walang dapat ikabahala ang publiko dahil sapat naman ang supply ng test kits.
Sa kasalukuyan, higit 1,000 test na raw ang ginawang test sa mga naitalang patients under investigation.
“Nakakapag-test na ng 1,170 tests. Gusto ko lang ipaliwanag (because) this is taken out of context. Kapag nagte-test tayo ng COVID-19, hindi lang isahang test ito. Halimbawa nag-test positive ang isang pasyente, ‘pag nasa ospital na siya, mayroon pa tayong tinatawag na second at third test collection. Ibig sabihin, ang isang tao hindi lang isang test ang magagamit niya.”
Nanawagan naman ang DOH sa mga local government unit na ipagbigay alam sa kanila ang pangalan ng mga sinasabing positive case na tumakas ng ospital para makumpirma.
Sa ngayon nananatili sa 217 ang kumpirmadong positive case, 17 ang patay at 8 ang naka-recover sa pandemic na virus.