-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos pumasok ang Pilipinas sa top 20 ng mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Screenshot 2020 10 02 11 16 38

Batay sa data ng John Hopkins University and Medicine sa Amerika, ika-20 ang Pilipinas, sumunod sa Italy sa may pinakamaraming COVID-19 cases nang umabot sa 314,079 ang total kahapon.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang expanded testing at clusters ng COVID-19 sa komunidad pa rin ang nakikita ng ahensya na dahilan ng patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng coronavirus.

“Talagang nag-expand ang ating testing capacity. Sa ngayon we have already tested about 3.5-million (individuals). Ito naman ay isa sa malaking improvements na nagawa natin sa ating kapasidad. Pangalawa, nakikita natin na mayroon pa ring clusters of cases in specific areas of the country.”

Pero hindi umano dapat mabahala ang publiko rito. Kung titingnan daw kasi ang ginagawang responde ng pamahalaan sa pandemic, marami na ring naging improvement mula sa health system, contact tracing, testing at isolation ng mga pasyente ng COVID-19.

“Hindi lang numero ang lagi nating tinitingnan kapag kung how we are fairing in this response. We might be in the top 20 among all of the countries in the world with the number of cases, but when we look at our health system capacity it has improved tremendously.”

Ibinida rin ng ahensya ang pababang bilang ng mga bagong kaso ng sakit na naitatala sa nakalipas na mga araw.

Mula sa 16,000 weekly case na naitala noong August 6 hanggang 12, nasa 3,772 na lang daw ngayon as of September 28. Nananatili rin daw sa less than 2% ang case fatality rate, at nasa 80% ang recovery rate ng estado.

Paalala ni Usec. Vergeire, ang tunay na sitwasyon ng isang bansa ay makikita sa kung ilan na ang gumaling mula sa sakit at mga nagpapagaling pa.

“Kapag tiningnan natin ang ranking among countries, they only show the cumulative number of cases, ito yung numero ng mga kaso na mula nang mag-umpisa tayo, ito yung totality. Pero kapag tiningnan natin ang ating mga datos, dapat tinintingnan natin ilan na lang ba ang active cases, nag-recover at mga namamatay.”