Nilinaw ng Department of Health (DOH) na may tsansa pa ring mag-positibo sa COVID-19 ang mga OFW at locally stranded individuals (LSIs) kahit una na silang nag-negatibo sa sakit.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng reklamo mula sa ilang returning Pinoy overseas workers at LSIs na nag-positibo umano sa COVID-19 nang makauwi na sa kani-kanilang probinsya.

“Remember ang testing natin, it’s a one-time event. Halimbawa tinest ako ngayong araw na ito, hindi porket tinest ako ngayon at negative ako, (tapos) kapag lumabas uli ako kinabukasan maaari uli akong ma-expose at maaari ring magkaroon uli ng sakit na ito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, kailangang ikonsidera ng returning OFWs at LSIs ang tagal ng paghihintay sa resulta.

Sa pagitan daw kasi nito, kahit mag-negatibo sila ay posibleng ma-expose pa rin ang mga ito sa virus kapag nakauwi na sa kani-kanilang mga lugar.

“Maaaring yung span of time na naghintay tayo ng resulta at pinauwi sila maaaring nagkaroon na naman ng resulta.”

Sa ngayon wala pa naman daw namo-monitor ang DOH na pagtaas muli sa mga bagong kaso ng COVID-19 ng ibang probinsya o lugar na maliban sa National Capital Region at Cebu.