Sang-ayon ang Department of Health (DOH) sa apela ng Inter-Agency Task Force para tumulong ang religious leaders na respondehan ang lumalang kaso ng suicide dito sa Pilipinas.
Naniniwala si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na makakatulong din ang mga lider ng simbahan para maibsan ang iniisip at nararamdaman ng mga Pilipinong ipit sa epekto ng pandemya.
“Ang Pilipinas ay napaka, we are highly religious. We always turn to prayers when things go bad. Makikita natin yung mga sector dito, na kahit iba-iba ang religion are prayerful.”
“Malaking bagay ‘yan dahil tinitingala sila ng ating kababayan at malaking tulong kung makakusap nila para magkaroon ng appeasement ang ating kababayan na nakakaranas ng depression.”
Bukod sa mga kawani ng simbahan, may mga available daw na hotline para sa mga mangangailangan ng konsultasyon at makakausap ukol sa mental health services.
Ipinaalala rin ng opisyal ang papel ng pamilya at komunidad para hindi lumala pa ang mga kaso ng suicide.
“We recognize the fact that during these times of pandemic, ang anxiety, fear napakataas niyan. Tapos ico-couple pa natin na nawawalan ng trabaho ang ating kababayan, feeling of depression, hopelessness.”
“Kailangan laging kinakausap ang kababayan na nakakaramdam nito, binibigyang ng suporta. Pero kapag nakita na nila na hindi na kaya ng pakikipagusap lang… kailangan na sumangguni sa mga professionals.”
Payo ni Usec. Vergeire sa mga labis na nahihirapan sa kasalukuyang sitwasyon, tumawag sa mga hotline para maiwasan ang banta ng pagpapakamatay.
“Hindi porket tumawag kayo sa hotline na ‘to ay loko-loko kayo o mayroon kayong sira ng ulo. It is okay not to be okay specially at this point of our situation.”
Ang National Center for Mental Health ay mayroon daw serbisyo para sa mga kailangan ng konsultasyon.
Maari rin daw makipagugnayan sa DOH partners tulad ng Philippine Mental Health Association, UP Diliman Center for Psychological Services, at Ateneo Bulatao Center for Psychological Services.
Ang grupong MentalHealthPH una na ring umapela sa IATF na i-konsidera ang mental health professionals na pangunahan ang responde sa mga kaso ng suicide.