Kinalampag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang Department of Health (DOH) na maging proactive sa halip na reactive sa mga desisyon sa laban kontra COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni Salceda matapos maitala ang halos 7,000 bagong COVID-19 cases kahapon, Agosto 10, 2020.
Ayon kay Salceda, karamihan kasi aniya sa mga major health interventions sa mga nakalipas na buwan ay reactive o resulta ng isang pangyayari at hindi proactive at precautionary.
Inihalimbawa nito ang kanyang naging proposal noon pang Marso na isailalim ang Metro Manila sa lockdown, na hindi naman kaagad tinanggap ng DOH.
Noong hiniling din aniya nila ang extension nito ay mistulang hindi rin alam ng DOH kung ano ang kahulugan at kaakibat na benepisyo nito.
Dahil dito, hindi na aniya dapat ikinagulat pa ng DOH ang apela kamakailan ng mga healthcare workers na bigyan sila ng “timeout” dahil sa lumulobong bilang ng naitatalang bagong COVID-19 cases kada araw.
Binigyan diin ni Salceda sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo na mas magastos ang pagtugon sa pandemya kung reactive ang mga desisyon ng DOH.
Gayunman, walang nakikitang malaking problema ang kongresista pagdating sa economic strategies na sinusunod, na kinikilala ng mga international observers at credit rating agencies.
Aminado naman din si Salceda na dahil sa mahina ang health preparedness framework ng bansa ay malabong mareresolba ang mga ito kaagad.
Ito aniya ang dahilan kung bakit isinusulong naman niya ang pagtatatag ng Centers for Disease Control and Prevention para mapaghandaan hindi lamang ang day-to-day health issues tulad ng mga lifestyle disease kundi maging ang mga pandemya tulad na lamang ng COVID-19.
“Like all big problems, it boils down to systems. It’s not too late to do better. We can enact the CDC bill, which President Duterte already asked for in his SONA,” ani Salceda.
“In the meantime, there are quarantine and surveillance protocols there that can be followed already. I have written hundreds of pages of reports on such minute details as how to do digital contact tracing and how to administer a workplace-based lockdown. Those approaches will still work,” dagdag pa nito.









