Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko kasunod ng naitalang unang kaso ng pagkakalunok ng paputok na watusi.
Sakali man na makalunok ng watusi, payo ng ahensiya na gawin bilang first aid ay bigyan ng 6 hanggang 8 egg whites para sa bata at 8 hanggang 12 naman para sa adults. Agad din dapat na isugod sa emergeny room ang biktima.
Hindi din ipinapayo ng DOH ang paghikayat sa biktima na pasintabi po, magsuka.
Kapag ang watusi naman ay tumilansik sa mata, payo ng DOH sa biktima na agad na hugasan ito sa loob ng 15 minuto, hayaang nakamulat at agad na komunsulta sa doktor.
Sakali man na maapektuhan ang balat, payo ng DOH na hugasan ang apektadong parte ng 15 minuto, hubarin ang kontaminadong damit at agad na magtungo sa doktor.
Kapag nalanghap naman ang watusi, pinapayuhan ang mga biktima na mag-inhale ng malinis at fresh air at humingi ng medical assistance.
Una rito, iniulat ng DOH na isang 4 na taong gulang na batang lalaki mula sa Calabarzon ang aksidenteng nakalunok ng watusi na nangyari sa kanilang bahay.
Habang pumapalo na sa kabuuang 88 ang bilang ng nasugatan dahil sa paputok sa bansa bago pa man ang pagsalubong ng bagong taon.