
Hinimok ng Department of Health ang mga pribado at pampublikong ospital na magsumite ng reports kaugnay sa COVID-19 exposure ng health care workers bago matapos ang 2023.
Ito ay para na rin sa mas mabilis na paglalabas ng hindi pa nababayarang health emergency allowance ng HCWs na nagtrabaho sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa inilabas kamakailan na Department circular, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na lahat ng natitirang COVID-19 Risk Exposure Classification Reports ay dapat na maisumite sa Health Emergency Allowance Processing System sa mismo o bago ang Disyembre 19, 2023.
Nasa pananagutan na aniya ng head ng pasilidad para matiyak ang mabilis at napapanahong pagsusumite ng reports sa ibinigay na period.
Ayon pa sa DOH ang processing fee na ipinataw para sa paghahain ng money claims ay dapat na responsibilidad ng health facility.
Una ng inanunsiyo ng DOH na committed itong makumpleto ang pamamahagi ng health emergnecy allowance para sa mga health care workers bago matapos ang taon.
Kung saan nasa kabuuang P46.4 billion na health emergency allowance na ang naipamahagi ng DOH habang nasa P15.2 billion ang nakatakdang ilabas.










