-- Advertisements --

Pinag-aaralan na raw ng Department of Health (DOH) ang sanhi ng muling pagbulusok ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa simula kahapon, kung saan muling umakyat sa higit 300 ang bagong nagkasakit.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, isa sa nakikita nilang dahilan ng biglang dami ng bagong kaso ay ang paglabas ng resulta sa test ng mga OFW.

“Itong 350 ay medyo pinaka-mataas for these past weeks na we are having these cases. Noong aming pinag-aaralan, may nadagdag dito na mga numero ng mga OFW na nag-positibo.”

“Hindi naman natin sinasabi na this (new case) purely OFWs. Mayroon pa ring mga kaso na nanggagaling sa iba’t-ibang lugar sa bansa.”

“Pag-aaralan natin yung trend na ‘to at hopefully hindi siya ma-sustain na ganyan, at bumaba in the coming days.”

Kung maaalala, sinabi ng DOH mula kalagitnaan ng Abril ay nasa 220 cases kada araw na lang ang average ng mga bagong nagkakasakit.

Nitong Miyerkules, 350 ang bilang ng mga bagong nagkasakit sa COVID-19. Ito ang pinakamataas na numero ng mga bagong na-infect ng coronavirus mula April 6.

Ngayong araw naman, 380 ang naitala ng DOH na mga bagong confirmed cases ng COVID-19, kaya nasa higit 15,000 na ang total.