-- Advertisements --

All set na ang pamahalaan para sa pagpapa-uwi nitong araw sa mga Pilipinong lulan ng na-quarantine na cruise ship sa Japan dahil sa COVID-19 sa nakalipas na mahigit na dalawang linggo.

Kasalukuyang nasa Yokohama Port na ang mga opisyal ng Philippine Embassy sa Tokyo kasama ang mga kinatawan ng Department of Health.

Suot ang kanilang personal protective equipment, naka-puwesto sa labas mismo ng MV Diamond Princess ang mga kinatawan ng pamahalaan para sa pagproseso ng mahigit 400 Filipino crew members na lulan ng naturang barko.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, hindi lahat ng mga Filipino crew members ng MV Diamond Princess ay uuwi sa Pilipinas nitong araw.

May ilan daw kasing nakipag-ugnayan na sa Department of Foreign Affairs na nagsabing magpapaiwan muna sila para sa kanilang trabaho.

Bukod dito, 59 na Filipino crew members ang hindi rin makakauwi matapos na magpositibo sa COVID-19.

Samantala, sinasabing nakatakdang umalis ng Pilipinas mamayang gabi ang dalawang eroplanong susundo sa mga uuwing Pilipino.

Kahapon tumanggi ang Department of Health na isapubliko ang flight details ng mga Filipino repatriates mula Japan.

Kapag makarating na ng bansa, kaagad na ididiretso ang mga ito sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Tarlac, kasama ang 11 miyembro ng repatriation team, para sa mandatory 14-day quarantine period.