Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi nila hahayaang maapektuhan ang Universal Health Care law implementasyon kapag natuloy ang panukalang pagbasura ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“All systems (are) in place naman, so if ever we will have some kind of reorganization, reconstructioning of PhilHealth, the government will not let na mapabayaan itong implementasyon ng Universal Health Care Law,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Whether or not ma-privatize or public [pa rin] ang PhilHealth, hindi matitigil ang pagpapatupad ng UHC law.”
Kung ibabasura kasi ang PhilHealth, isa ang pagpapatupad ng UHC Law sa mga siguradong maaapektuhan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11223, kukunin ang pondo sa pagpapatupad ng UHC sa sin tax collections. Pati na ang 50% ng kita ng PAGCOR, at 40% ng mandatory contributions ng PCSO.
Panggagalingan din ng budget ang kontribusyon ng PhilHealth members at alokasyon sa ilalim ng DOH budget.
Ayon kay Asec. Kenneth Ronquillo, kinailangang mag-adjust ng UHC implementation para bigyang daan ang COVID-19 response ngayong taon.
“Well there are additional budgets that we are getting. May mga supplemental budgets naman yan. Nagkaroon tayo ng Bayanihan 1 and Bayanihan 2. So these are all supplemental budgets that helped us run the health system in the midst of pandemic.”
“Lahat naman yan, whether this is supplemental budget or budget coming from the General Appropriations Act, is still part of moving towards Universal Health Care.”
Pinaplantsa na ng ahensya ang ilan polisiya habang nangangalap ng karagdagang pondo sa implementasyon ng batas.
Sa ilalim ng 2021 budget, hinihirit ng DOH ang P182-billion na pondo para sa pagpapatupad ng batas na magbibigay ng access sa abot kayang tulong medikal ng mga Pilipino.
















