Patuloy ang panawagan ang Department of Health (DOH) sa mga healthcare workers na nandito sa Pilipinas na mag-apply sa kanilang emergency hiring program para madagdagan pa ang pwersa ng medical frontliners ng COVID-19 pandemic.

Ang panawagan ng ahensya ay kasunod ng pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na paliparin abroad ang mga healthcare workers na naka-pirma na ng kani-kanilang mga kontrata at naka-kumpleto na ng mga dokumento as of August 31.

“The Department of Health is filling up the remaining slots for much needed healthcare workers in both the private and public sector to help the country battle the COVID-19 pandemic,” pahayag ng ahensya.

“But while we have sufficiently filled up the slots for our HRH, the Department continues to appeal to those with medical training to join in the response.”

Ayon sa Health department, kinikilala nila ang papel na ginagampanan ng healthcare workers na nagbibigay ng serbisyo at sakripisyo, lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

Kaya kahit may mga kababayan tayong frontliners na aalis ng bansa ay dapat manatili ang pagtutulungan ng bawat isa laban sa pagkalat ng coronavirus.

“Bagong bayani po ang ating mga HCWs. Malaki po ang ginagampanan ng ating mga HCWs sa mga ospital at health facilities. Ibang kalidad po ang dedikasyon nila na araw araw hinaharap ang virus kahit alam nilang delikado ito kaya malaki ang utang na loob natin sa kanila.”

Sa ngayon, umakyat pa sa 11,529 ang total ng approved slots sa recruitment ng human resources for health ng gobyerno. Mula ng buksan ito ng pamahalaan, 8,669 o 75% human resources for health na raw ang na-hire at naka-deploy na ngayon sa iba’t-ibang pasilidad na rumeresponde sa COVID-19.

Iginiit ng DOH na sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, mas maraming benepisyo na ang matatanggap ng mga healthcare workers.

Isa na nga rito ang P15,000 compensation sa mga tatamaan ng mild COVID-19. Hindi rin mawawala ang iba pang benepisyo tulad ng hazard pay, special risk allowance, libreng transportasyon, pagkain, dormitoryo at iba pa.

“Tayo din pong mga kapwa Pilipino ang magtutulungan para labanan at alagaan ang kapwa natin Pilipino sa kinakaharap nating pandemya. Together, let us beat COVID-19. Wewill heal as one.”