-- Advertisements --

MANILA – Hinihintay pa ng Department of Health (DOH) ang resulta ng imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ng isang senior citizen sa Cagayan de Oro City matapos umanong maturukan ng COVID-19 vaccine.

“Lahat ng adverse events na nararanasan ng ating mga kababayan matapos mabakunahan ay pinag-aaralan ng mga eksperto,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Aantayin natin lumabas ang resulta ng causality assessment ng National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC), para makapagbigay ng mas kumpletong information.”

Batay sa inisyal na datos ng ahensya, may comorbidity o ibang sakit ang 72-anyos na lalaki mula sa Misamis Oriental na binakunahan ng AstraZeneca vaccines.

Ayon kay Dr. William Bernardo, head ng Cagayan de Oro Vaccination Operation Center, binawian ng buhay si Zoilo Joaquin Borcillo matapos makaranas ng hirap sa paghinga.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na may altapresyon ang namatay na lalaki.

“Siya ay may ibang sakit na kailangan imbestigahan kung ito ang naging cause ng kanyang pagkamatay o dahil sa bakuna.”

Naniniwala si Vergeire na walang kailangan baguhin sa protocol ng pagbabakuna sa mga senior citizen. Partikular na sa pag-alam sa estado ng kanilang kalusugan o sakit bago bigyan ng bakuna.

Noong Pebrero nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 kung saan may probisyon na nagbibigay ng bayad danyos o “indemnity” sa mga mapapatunayang nagkaroon ng side effect dahil sa bakuna.

“Ang mga kondisyon para ikaw ay magkaroon ng indemnification would be that there is direct causality. Ibig sabihin yung naging adverse events na naranasan ng indibidwal matapos magpabakuna at pag-aralan ng mga eksperto, yung NAEFIC, at nasabi nilang may direct relation yung adverse event tsaka siya magkakaroon ng indemnification.”

Paliwanag ni Vergeire, may tatlong adverse events following immunization. Ang “serious adverse events, “non-serious adverse events,” at “disability because of adverse events.”

Sa ngayon, inaayos pa rin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang implementing rules and regulations ng indemnication sa COVID-19 vaccines.

Mayroong P500-million na alokasyon ang indemnity fund sa ilalim ng nabanggit na batas.