Nanindigan ang Department of Health (DOH) na para sa ikabubuti ng taumbayan ang lahat ng mga polisiya na ipinatupad sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ng ahensiya ang pahayag matapos na ibasura ng Korte Suprema ang ilang mga petisyon laban sa COVID-19 regulations na inisyu ng Inter-Agency Task force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan dahil umano sa paglabag sa naunang posisyon ng korte.
Kabilang dito ang IATF Resolution 148-B ng naguutos sa mga establishimento na imandato sa kanilang mga on-site employees na sumailalim sa RT-PCR tests kada dalawang linggo na sarili nilang gastos.
Ayon sa mga petitioner, paglabag umano ito sa kanilang karapatan sa buhay at kalayaan nang walang due process kaakibat pa ang pagbawal sa kanilang karapatan na makabiyahe at paglabag sa patas na proteksiyon.
Subalit ayon naman sa Korte Suprema ang mga petisyon ay dapat na inihain sa mababang hukuman.
Nagpasalamat naman ang DOH sa Supreme Court sa naging pasya ng korte.