Umapela ang Department of Health (DoH) sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) hotlines.
Ito ay may kaugnayan sa dumaraming tawag na natatanggap ng kanilang One Hospital Command Center.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 500 tawag ang pumapasok sa command center kada araw para sa mga nangangailangan ng ospital o payo kaugnay ng COVID-19.
Aniya, kahit pinalawak na ang serbisyo at nagdagdag ng karagdagang tauhan sa command center para matugunan ang pagdami ng tawag, hinimok pa rin nito ang mga local government unit na palakasin ang kanya-kanyang COVID-19 hotline para hindi lahat dumidiretso sa naturang network.
Nauna nang lumutang ang mga reklamo ng mga hindi makatawag sa One Hospital Command, maging si Vice President Leni Robredo na sinubukan umanong umasiste sa isang pasyente.
Sa huling tala ng DOH, 11 lugar sa Metro Manila ang higit 70 porsyentong okupado ang intensive care unit, tulad ng Navotas, Valenzuela, Taguig, Quezon City, Marikina, Makati, San Juan, Muntinlupa, Pasay, Parañaque at Las Piñas.
Higit 70 porsyento rin ang bed utilization sa Navotas, Valenzuela, Pateros, Pasig, Quezon City, Makati, San Juan, Muntinlupa, at Las Piñas.