-- Advertisements --

Nanawagan ng hustisya ang Department of Health para sa 39-taong gulang na nurse na binaril hanggang mamatay matapos niyang subukan tulungan ang motorcycle rider na naaksidente sa Caloocan City.

Iginiit ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na “harm should never be exchanged for help.”

Ani Domingo, nakikiramay ang ahensya sa mga pamilya ng Nurse na si Mark John Blanco at Mr. Willy Maranom, sa panawagan ng agarang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Si Blanco, na may naulilang limang anak, ay tinamaan ng mga putok ng baril sa kanyang ulo at braso. Bukod sa kanya, isang residenteng nasa pinagyarihan din ang namatay matapos barilin din ng parehong suspek.

Sinabi ng pulisya na nagalit ang suspek nang hindi umandar ang nasirang motorsiklo nito at binaril ang nurse na nagtangka lamang na tulungan siya.

Ang suspek, isang 54-taong gulang na security officer na kakagaling lang daw sa inuman, ay nahuli ng pulisya matapos nitong subukang tumakas. Kasong multiple murder naman ang inihain laban sa suspek.

Ayon sa pulisya, ang mga bala mula sa baril na nakuha sa pag-aari ng suspek ay tugma sa mga nakuha mula sa crime scene.