-- Advertisements --

Naghandog ang Department of Health (DOH) ng mga kagamitang pangkalusugan at serbisyong medikal ngayong pagsisimula ng Brigada eskwela 2025.

Ang inisyatibang itong ng DOH ay alinsunod sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging lugar din ang mga paaralan ng pagpapanatili ng kalusugan at malusog na pamumuhay ng mga kabataan dahil malaking oras ang kanilang iginugugol sa eskwelahan.

Kaugnay nito, pinangunahan ni Health Secretary Ted Herbosa ang pagbibigay ng serbisyong kalusugan ng kagawaran sa kick-off ng brigada eskwela sa Bacacay East Central School sa Albay ngayong araw ng Lunes, Hunyo 9.

Kabilang sa mga ibinigay na libreng serbisyo ay medical consultations, vaccinations, X-rays, laboratory tests, HIV screening, mental health services, family planning, deworming, cancer education, at sessions sa health literacy kung saan kabilang sa mga topics ay nutrition, physical activity, environmental health, substance use prevention, sexual and reproductive health, and violence and injury prevention.

Kinilala din ng kalihim ang 83 paaralan sa buong bansa na tinaguriang kampeon ng kalusugan. Bunsod nito, pagkakalooban ng DOH ang kanilang school clinics ng “Bawat Bata Malusog” packages na naglalaman ng mga gamit pangkalusugan gaya ng blood pressure monitor, first aid kits, timbangan at iba pang mga suplay.

Samantala, mula naman nang ilunsad ang programang Healthy Learning institution ng DOH noong 2022, nasa 1,457 paaralan na sa 55 probinsiya at lungsod sa buong bansa ang naabot ng programa.

Layunin ng programa na suportahan ang mga paaralan sa paglikha ng kapaligirang nangangalaga sa kalusugan ng mga mag-aaral at mga guro.