Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kasunod ng naitalang unang kaso ng hearing loss o pagkawala ng pandinig dahil sa mga paputok.
Sa panibagong datos sa fireworks-related injuries ng DOH, isang 23 anyos mula sa Central Luzon ang nawalan ng pandinig matapos ang passive exposure nito sa kwitis o skyrocket.
Sa abiso ng DOH, ibinabala ng DOH na maaaring humantong sa pagkawala ng pandinig ang paputok. Ang pagsabog ng mga paputok ay may lakas aniya na 140 hanggang 150 decibels (dB) na maaaring humantong sa pananakit at pagkasugat ng tenga matapos ma-expose.
Saad pa ng ahensiya na ang malalakas na tunog na lagpas sa 120 db ay maaaring magdulot pinsala sa tenga.
Kung kayat binigyang diin ng DOH na mas mainam na manuod na lamang ng community fireworks displays mula sa ligtas na lugar, kung di naman maiiwasan na ma-expose sa mga paputok at malalakas na tunog, gumamit ng proteksiyon sa tenga gaya ng earpluds o earmuffs.
Sa kasalukuyan, sumampa na sa kabuuang 96 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa buong bansa ngayong 2023.