Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko, lalo na ang mga estudyante at teachers sa pagdi-disinfect ng mga self-learning modules ngayong ipinapatupad ang online learning.

Ayon kay DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, wala pang matibay na basehan na epektibo ang paggamit ng ultraviolet (UV) light bilang disinfectant sa mga gamit.

“Wala pang sapat na ebidensya hanggang sa ngayon na kung anong klase o dose ng UV ang magkakaroon ng tamang epekto dito sa SARS-COV-2 virus.”

Paliwanag ng opisyal, matagal nang ginagamit ang UV light bilang disinfectant, pero sa mga ospital at health facilities lang.

“UV light has been known disinfection procedure for so long in our health facilities, wala pang SARS-COV-2 ito ay ginagamit ng pang-disinfect in health facilities. This is done in a proper manner, alam ng ating health facilities ang tamang paggamit.”

Sa ngayon inirerekomenda pa rin ng DOH ang direktang disinfection sa pamamagitan ng pagpunas sa mga gamit bago ipasok sa bahay. Hindi naman daw angkop na pag-spray dahil maaaring itong mag-aerosolized ang virus o humalo sa hangin.

“Anything that we buy or bring outside of the home, kailangan nililinis natin bago ipasok sa bahay.”

Ayon kay Vergeire, ang hindi maingat na paggamit ng UV light ay maaaring magdulot ng pagka-sunog sa balat at impeksyon sa mata.