-- Advertisements --

Iniulat ni Department of Health (DOH) Secretary Dr. Teodoro Herbosa na nasa 21.6% ang stunting rates o pagkabansot ang naitala sa mga sanggol na nasa 0 hanggang 23 months.
Ayon kay Herbosa mataas ito, ibig sabihin sa limang bata isa ang dapat pakainin ng masustansiyang pagkain.

Habang sa edad na limang taong gulang pababa nasa 28.7%, mataas pa rin ito ayon kay Sec. Herbosa.

Sinabi ng kalihim nakakadismaya ang nasabing datos na mataas ang antas ng malnutrisyon sa bansa.

Nais ng chief executive ang isang cohesive approach sa pagtugon sa problema ng gutom at kahirapan sa bansa.

Siniguro ni Herbosa na kanilang titiyakin na sapat ang mga nutrients sa mga pagkaing ihahain sa ilalim ng food stamp program.

Batay sa national nutrition survey nasa 33.4% na mga kababayan natin ang hindi makakain ng tamang pagkain at malnourished.

Pinatitiyak din ng Pangulo na hindi magkaroon ng duplication sa implementasyon ng food stamp program ng pamahalaan.

Una ng binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang investment nutrition na ginagawa ngayon ng bansa ay investment sa hinaharap para makamit ang hangaring magkaroon ng malusog na kabataan hanggang sila ay makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho na malaking tulong sa pagyabong ng ekonomiya ng bansa.

Bahagi din ito sa Philippine Development Plan ng Marcos Jr., administration tungo sa progresibong bansa.